This post is also available in: 简体中文 (Chinese (Simplified)) English (English) Español (Spanish) Português (Portuguese, Portugal) Română (Romanian)
Apat na Daang Milyon 1.
Iyan ay talagang napakalaking bilang, na sa labis na laki nito sa katunayan ay mahirap isipin na iyan ang dami ng mga salitang namumutawi sa isang karaniwang tao sa kanyang buong buhay. Ngayon, paramihin natin iyan sa dami ng mga taong nabuhay at magtatapos tayo sa talaga namang makapigil-hiningang dami nito.
Ang namutawing mga salita ay nagamit upang maimpluwensyahan ang iba, maisagawa ang ilang bagay, upang matuto o mag-turo, baguhin ang mundo, at kung minsan ay para lamang mapabuti ang ating pakiramdam. Halos, lahat ng mga salitang nabigkas ay nawala na ngayon, subalit may iilan na lamang na katangi-tanging hiyas ang patuloy na nanatili sa atin.
Ang mga literaryong yaman na ipinahayag ng Propeta ng Awa, na si Muhammad ay kabilang sa mga walang hanggang, hindi malilimutang mga salitang patuloy na aalingawngaw. Ito ay may kakayahang antigin ang ating kaibuturan. Ito ay may kakayahang pukawin ang pag-asa, pagmamahal, katarungan, kahabagan, kabutihan, pagninilay-nilay, katapangan at panlipunang pagbabago. Higit sa lahat, maaari nitong pukawin ang isang panibagong layunin ng ating mga buhay.
Ang libretong ito ay tinipong mapapanaligang mga salita ng awa mula sa Propeta ng Awa, na si Muhammad.
Awa at Habag
“Ang Siyang Maawain ay nagpapamalas ng awa sa kanilang mismong maawain [sa iba]. Kaya’t magpamalas ng awa sa anumang nasa Kalupaan, nang sa gayun, Siya na nasa kalangitan ay magpapamalas ng awa sa inyo.” [i]
“Ang Diyos ay mahabagin at minamahal ang habag.” [ii]
“Siya ay hindi kabilang sa atin na walang habag sa ating mga nakababata at hindi iginagalang ang ating mga nakakatanda.” [iii]
“Nawa’y ang Diyos ay kahabagan ang isang taong may kabaitan kapag siya ay bumibili, kapag siya ay nagbebenta, at kapag siya ay may hinihingi.” [iv]
Kasapatan at Espirituwalidad
“Ang kasaganahan ay hindi ang pagkakaroon ng maraming mga ari-arian. Sa halip, ang totoong kasaganahan ay ang kasaganahan ng kaluluwa.” [v]
“Katotohanan, hindi tinitingnan ng Diyos ang inyong mga katawan, ang inyong mga kaanyuhan, bagkus tinitingnan Niya ang inyong mga puso at inyong mga gawa.” [vi]
“Huwag magsalita ng labis nang walang pag-alala sa Diyos. Katotohanan, ang labis na pagsasalita nang walang pag-alala sa Diyos ay nakapagpapatigas ng puso. Tunay na ang pinaka malayong mga tao sa Diyos ay ang matigas ang puso.” [vii]
“Maging maalalahanin sa Diyos, matatagpuan mo Siya sa iyong harapan. Kilalanin ang Diyos sa kasaganahan at kikilalanin ka Niya sa kagipitan. Dapat malaman mo na anuman ang nagdaan sa iyo ay hindi dahilan upang ikaw ay bumagsak. at ang anumang dumapo sa iyo ay hindi magdadaan sa iyo. At dapat malaman mo na ang tagumpay ay kasama ng pagtitiis, ang kaginhawahan ng pagdurusa, at kagaangan ng kahirapan.” [viii]
“Ang Islam ay itinayo sa limang [haligi]: Pagsaksi na walang diyos na karapat-dapat sambahin maliban kay Allah at si Muhammad ay ang sugo ni Allah, ang pagsasagawa ng pagdarasal, pagbibigay ng tungkuling kawanggawa, paglalakbay sa Bahay, at pag-aayuno sa Ramadan.” [ix]
“Ang Diyos, ang Kataas-taasan, ay nagsabi: O mga anak ni Adan, patatawarin Ko kayo hangga’t kayo ay nananalangin sa Akin at inaasam ang Aking kapatawaran, anumang kasalanang inyong nagawa. O kayong mga anak ni Adan, walang halaga sa Akin kung ang inyong mga kasalanan ay umabot sa taas ng kalangitan; pagkatapos na hiningi niyo ang Aking kapatawaran, patatawarin Ko kayo. O anak ni Adan, kung darating kayo sa Akin na may gadaigdig na mga kasalanan at nakikitagpo kayo sa Akin nang walang pagtatambal sa Akin, tutumbasan ko ito ng gadaigdig na kapatawaran.” [x]
“Ang Diyos ay nagsabi: ‘Ako ay ang kung ano ang inaasam ng aking alipin sa Akin [o: kung ano ang inaasahan niya sa Aking maging]. Ako ay kasama niya kung Ako ay kanyang binabanggit. Kung Ako ay kanyang binanggit sa kanyang sarili, Aking babanggitin siya sa Aking sarili. At kung Ako ay kanyang binanggit sa pagtitipon ay Aking babanggitin siya sa pagtitipon na mas mainam kaysa dito. At kung lumalapit siya sa Akin ng gadangkal, lalapit ako kanya ng gabraso. At kung lumalapit siya sa akin ng gabraso ay lalapit ako sa kanya ng gadipa. At kung lumalapit siya sa akin ng naglalakad, lalapit Ako sa kanya ng mabilis.’” [xi]
Pagmamahal
“Sumpa man sa Kanyang may hawak ng aking kaluluwa, hindi kayo makakapasok ng Hardin hangga’t hindi kayo sumampalataya, at hindi kayo sasampalataya hangga’t hindi niyo mamahalin ang isa’t isa. Nais niyo bang ituro ko sa inyo ang isang bagay, na magagawang mahalin niyo ang isa’t isa kung gagawin niyo ito? Ipalaganap ang pagbabatian ng kapayapaan sa pagitan ninyo.” [xii]
“Ang alipin ng Diyos ay hindi mararating ang kaganapan ng kanyang pananampalataya hangga’t mahalin niya para sa mga tao ang kung ano ang minamahal niya para sa kanyang sarili.” [xiii]
“Mahalin mo para sa mga tao kung ano ang minamahal mo para sa iyong sarili at ikaw ay magiging isang mananampalataya.” [xiii]
“May dumating na sa inyong mga sakit ng ibang mga nasyon sa inyong harapan: Pagkainggit at pagkamuhi, at ang pagkamuhi ay ang labaha. Inaahit nito ang inyong pananampalataya bagaman hindi nito naaahit ang buhok.
Sumpa man sa Kanyang may hawak ng kaluluwa ni Muhammad, hindi kayo magiging mananampalataya hangga’t hindi ninyo mahalin ang isa’t isa.. Gusto niyo bang malaman ang isang bagay na, kung isasagawa niyo ay mamahalin ninyo ang bawat isa? Ipalaganap ang kapayapaan sa pagitan ninyo.” [xv]
“Wala sa inyo ang may pananampalataya malibang mahalin niya para sa mga tao kung ano ang minamahal niya para sa kanyang sarili.” [xvi]
“Kapag ang isang tao ay may pagmamahal sa kaniyang kapatid dapat na sabihin niya sa kanya na mahal niya ito.” [xvii]
“Mahalin para sa sangkatauhan kung ano ang minamahal mo sa iyong sarili.” [xviii]
“Ang pinakamainam na gawain pagkatapos ng pananampalataya sa Diyos ay ang mapagkawanggawang pagmamahal sa mga tao.
Komunidad at Kapayapaan
“Ang propeta Muhammad ﷺ ay tinanong: “Anong uri ng mga gawa o pag-uugali sa Islam ang mabuti: Ang sugo ng Diyos ay sumagot: Ang pakainin ang ibang tao, at batiin ang mga taong kilala mo at yaong mga hindi mo kilala.” [xx]
“Sinumang mag-ugnay ng kapayapaan sa pagitan ng mga tao sa pamamagitan ng paggawa ng mabuting impormasyon o pagsasabi ng mabubuting bagay ay hindi sinungaling.” [xxi]
“Sinuman ang hindi nagpapasalamat sa tao ay hindi nagpapasalamat sa Diyos.” [xxii]
“Sumpa man sa Diyos, siya ay hindi [tunay na] mananampalataya! Sumpa man sa Diyos, siya ay hindi [tunay na] mananampalataya! Sumpa man sa Diyos, siya ay hindi [tunay na] mananampalataya” Ang isang tao ay nagtanong: “Sino O Sugo ng Diyos? Siya ay nagsabi: “Sinumangang kanyang kapit-bahay ay hindi ligtas mula sa kanyang masamang ugali.” [xxiii]
“Ang lahat ng sangkatauhan ay nagmula kay Adan at Eba, ang Arabo ay walang kahigtan sa hindi Arabo at ang hindi Arabo ay walang kahigtan sa Arabo, maging ang mga mapuputi ay walang kahigitan sa maiitim ni ang maiitim ay walang kahigtan sa mapuputi, maliban sa pagkatakot sa at mabuting gawain.” [xxiv]
“Ang mananampalataya ay hindi ang siyang kumakain sa kanyang kabusugan samantalang ang kanyang kapit-bahay ay nagugutom.” [xxv]
Ang pinakamainam na kawanggawa ay ang pagkasunduin ang mga tao.[al-Mu’jam al-Kabīr 31. Sahih li ghayri (mapananaligan dahil sa panglabas na katibayan) ayon kay Al-Albani]
Kawanggawa at Pagkamakatao
“Ang Diyos ay nagsabi: Gumugol [ito ay, sa kawanggawa], O anak ni Adan, at Ako ay gugugol para sa inyo.” [xxvi]
“Ang kawanggawa ay hindi nakababawas sa inyong kayamanan.” [xxvii]
‘Dalawin ang mga may sakit, pakainin ang nagugutom at palayain ang mga bihag.” [xxviii]
“Gawing madali ang mga bagay, at huwag pahirapin ang mga bagay,at ipabatid ang magandang balita at huwag itaboy ang tao palayo.” [xxix]
“Ibigay ang sahod ng manggagawa bago pa man matuyo ang kanyang pawis.” [xxx]
“Ang bawat gawang kabutihan ay kawanggawa.” [xxxi]
Pagkatao at Pag-uugali
“Ang mananampalatayang nagpapakita ng pinakaganap na pananampalataya ay silang mayroong pinakamabuting pagkatao, at ang pinakamainam sa inyo ay silang pinakamabuti sa kanilang mga asawa.” [xxxii]
“Ang [Diyos] ay isiniwalat sa akin na dapat ninyong ugaliin ang pagpapakumbaba upang walang sinuman ang mang-api sa iba.” [xxxiii]
“Ni magtanim ng galit ni putulin [ang ugnayan sa mga kamag-anak], ni magtanim ng poot, sa halip ay maging magkakapatid at alipin ng Diyos.” [xxxiv]
“Sinuman ang totoong naniniwala sa Diyos at sa huling Araw marapat magsalita ng mabuti o manatiling tahimik.” [xxxv]
“Ang pinakamainam mula sa inyo ay ang siyang may pinakamagandang pag-uugali.” [xxxvi]
“Mag-ingat sa paghihinala, dahil ang paghihinala ay ang pinakamasama sa mga kabulaanang kuwento.” [xxxvi]
“Ang malakas na tao ay hindi yaong malakas sa pakikipagbuno, kundi ang siyang kayang pigilan ang kanyang sarili sa galit.” [xxxvii]
Kapaligiran at mga Hayop
“Kapag ang oras [ang araw ng Muling Pagkabuhay] ay malapit nang dumating at ang isa sa inyo ay may hawak na usbong ng palmera, samantalahin niya ang pagkakataon kahit na isang segundo bago ang Oras ay dumating upang maitanim niya ito.” [xxxix]
“Kung ang isang Muslim ay magtanim ng punongkahoy o ng punla, at may isang ibon o isang tao o isang hayop ay kumain mula rito, ito ay ituturing bilang alay kawanggawa (sadaqah) para sa kanya.” [xl]
“Ang pagtanggal ng nakakapinsalang mga bagay mula sa daanan ay isang gawang kawanggawa.” [xli]
“Ang mga kasamahan ng Propeta Muhammad ﷺ ay nagtanong, “O Sugo ngDiyos! May gantimpala ba para sa amin sa paglilingkod sa mga hayop?” Siya ay sumagot: “May gantimpala para sa paglilingkod sa anumang may buhay.” [xlii]
“Sinuman ang pumatay ng maya o kahit anong mas malaki pa dito na walang makatarungang dahilan, ang Diyos ay pananagutin siya sa Araw ng Paghuhukom.” [xliii]
“Isang patutot ay nakakita ng isang asong paikot-ikot sa balon sa mainit na araw at nakabitin ang kanyang dila sa uhaw. Sumalok siya ng tubig para dito gamit ang kanyang sapatos kaya pinatawad siya ng Diyos.” [xliv]
Si Abdullah Ibn Amr Ibn al-Aas ay iniulat na ang propeta ﷺ isang araw ay dumaan kay Sa’d Ibn Abi Waqqas habang nagsasagawa ng wudoo’ (ritwal na ablusyon). Ang propeta ﷺ ay tinanong si Sa’d, “Bakit ka nagsasayang?” At sumagot si Sa’d “May pagsasayang din ba sa ritwal ng wudoo?” Ang propeta ay nagsabi, “Oo, kahit na ikaw ay nasa umaagos na ilog.” [xlx]
Pamilya
“Ang isang taong pinapanatili ang ugnayan sa kamag-anak ay hindi ang siyang gumagawa nito dahil sa may gantimpala mula sa kanyang mga kamag-anak (sa pagiging mabait at mabuti sa kanila), kundi ang tunay na nagpapanatili ng ugnayan sakamag-anak ay siyang nagsisikap isagawa ito kahit pa man ang kamag-anak niya ay pinutol ang kanilang ugnayan sa kanya.” Al-Bukhari]
“Ang pagbibigay ng tulong sa mga mahihirap ay itinuturing na kawanggawa. At (ang pagbibigay) sa mga kamag-anak ay dalawang bagay, kawanggawa at pagpapatibay ng ugnayang kamag-anak.” [Sunan An-Nasa’i]
“Maging maalalahanin sa Diyos at panatilihin ang ugnayan sa mga miyembro ng inyong pamilya.” [Tarikh Dimashq 56/317. Hasan (tumpak) ayon kay Al-Albani]
“Tunay, na ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat ay ginagantimpalaan ang kahinahunan na hindi Niya ibibigay sa kagaspangan. Kapag minamahal ng Diyos ang kanyang alipin, ay pinagkakalooban Niya ito ng katangian ng kahinahunan. Walang sambahayan na inalisan ng kabaitan maliban na lamang na sila ay tunay na inalisan.” [Al-Mu’jam al-Kabir 2274. Hasan (tumpak) ayon kay Al-Haythami]
Mga Magulang
“May ina ka pa ba? Siya ay sumagot oo. Ang sabi ng Propeta, “Manatili sa kanya, sapagkat ang Paraiso ay nasa kanyang paanan.” [Sunan Al-Nasa’i 3104. Sahih (mapananaligan) ayon kay Al-Albani]
“Ang mga magulang mo ba ay nabubuhay pa?” Siya ay nagsabi oo. Sinabi ng Propeta, “Kung gayun ay magsumikap pagsilbihan sila.” [Sahih Al-Bukhari at Muslim]
“Ang pagkalugod ng Panginoon ay nasa pagkalugod ng inyong mga magulang, at ang hindi pagkalugod ng Panginoon ay nasa hindi pagkalugod ng mga magulang.” [Sunan At-Tirmidhi 1899. Sahih (mapananaligan) ayon kay As-Suyuti]
“Maging makatarungan sa pagitan ng inyong mga anak. Maging makatarungan sa pagitan ng inyong mga anak.” [Sunan Abi Dawud 3544. Sahih (mapananaligan) ayon kay Al-Albani]
“Sino ang pinaka karapat-dapat sa aking mabuting pakikisama?” Ang Propeta ay nagsabi, “Ang iyong ina.” Ang lalaki ay nagtanong, “Pagkatapos ay sino? Ang propeta ay nagsabi, “Ang iyong ina.” Ang lalaki ay nagtanong muli, “Pagkatapos ay sino? Ang propeta ay nagsabi, “Ang iyong ina.” Ang lalaki ay nagtanong muli, “Pagkatapos ay sino?” Ang Propeta ay nagsabi, “Ang iyong ama.”
[Sahih Al-Bukhari 5626, Sahih Muslim 2548. Muttafaqun Alayhi (napagkasunduan nilang mapapanaligan) ayon kay Al-Bukhari at Muslim] [i] Iniulat ni Abu Dawud at Tirmidhi.
[ii] Iniulat ni Bukhari sa Al-Adab al-Mufrad. [iii] Iniulat ni Tirmidhi. [iv] Iniulat ni Bukhari. [v] Ibid. [vi] Iniulat ni Muslim. [vii] Iniulat ni Tirmidhi. [viii] Ibid. [ix] Iniulat ni Bukhari and Muslim.[x] Iniulat ni Tirmidhi. [xi] Iniulat ni Bukhari, Muslim, Tirmidhi at Ibn Majah. [xii] Iniulat ni Muslim. [xiii] Iniulat ni Ibn Hibban. [xiv] Iniulat Ibn Majah. [xv] Iniulat ni Ahmad. [xvi] Ibid.[xvii] Iniulat ni Abu Dawud at Tirmidhi. [xviii] Iniulat ni Bukhari, sa Tareekh al-Kabeer. [xix] Iniulat ni Tabarani. [xx] Iniulat ni Bukhari. [xxi] Ibid. [xxii] Iniulat ni Ahmad and Tirmidhi. [xxiii] Iniulat ni Bukhari. [xxiv] Iniukat ni Bukhari, Muslim at Ahmad. [xxv] Iniulat ni Bukhari at Muslim. [xxvi] Iniulat ni Bukhari. [xxvii] Iniulat ni Muslim. [xxviii] Iniulat ni Bukhari. [xxix] Ibid.[xxx] Iniulat ni Ibn Majah. [xxxi] Iniulat ni Muslim. [xxxii] Iniulat Tirmidhi. [xxxiii] Iniulat ni Muslim. [xxxiv] Ibid. [xxxv] Ibid. [xxxvi] Iniulat ni Bukhari. [xxxvii] Iniulat ni Bukhari at Muslim. [xxxviii] Iniulat ni Bukhari. [xxxix] Ibid. [xl] Ibid. [xli] Iniulat ni Bukhari at Muslim. [xlii] Iniulat ni Bukhari. [xliii] Iniulat ni An-Nasai. [xliv] Iniulat ni Muslim.
[1] Batay sa “The average lifespan of 71.5 years” at pag-aaral ni Dr. Matthias Mehl [https://ubrp.arizona.edu/study-finds-no-difference-in-the-amount-men-and-women-talk/]